September 09, 2006

RPG

Dear Japs,
Ilang araw pa lang tayong magkakilala ngunit parang ang tagal-tagal na nating magkasama. Hinding-hindi ko makakalimutan noong una kitang nakita sa Plaza Calderon. Naka-pula ka noon at may suot pang sunglasses. Maraming babae ang nagnanakaw ng tingin sa'yo. Napatingin din ako sa'yo at ngumiti ka sa akin. Bumulong pa nga sa'yo ang iyong katabi na parang sinasabing may sumisilay sa'yo, at ako yun. Namula ako noon at nahiya. Ngumiti ka sa akin at ngumiti rin ako sa'yo. Hindi ko maipaliwanag ang naramdaman ko noon.

Matapos ang isang linggo simula noong pangyayaring iyon, nagulat ako nang bigla kong nakita sa Friendster ko na in-add mo ako. Hindi ko akalain na ang isang sikat na Tomasinong tulad mo ay pagtutuunan ako ng pansin. Hindi lumilipas ang araw na hindi mo ako papangitiin at papatawanin. Naging bahagi ka na ng aking daily schedule. Papanoorin kita sa iyong mga basketball practices at ako nama'y inihahatid mo sa aming bahay. Itatanggi ko pa bang nag-eenjoy talaga ako kasama mo? Ikaw ang nagturo sa aking ngumiti ulit. Makita ko lamang na ginagaya mo ang mga Smiley stuff toys mo sa iyong kotse eh napapatawa at napapangiti mo na ako. Gusto kitang pasalamatan sa lahat ng nagawa mo para sa akin. Malaki ang utang na loob ko sa'yo.

Isang gabi, habang tayo'y nasa kahabaan ng EspaƱa. May sinabi ka sa akin na talaga namang ikinagulat ko. "I like you," ang sabi mo. Ikaw na sikat, cute, at magaling magbasketball ay may gusto sa akin? Imposible. Hindi na lamang ako napaimik at nagkunwaring wala akong narinig. Inulit mo pa ang iyong sinabi, mas malakas pa nga. Ako'y napatingin sa'yo at tumawa. "Wag kang magbiro ng ganyan. Alam kong gusto mo akong pasayahin pero wag sa ganitong paraan. Hindi effective," ang sabi ko sa'yo. Ika'y tumawa sa naging reaction ko at sinabi mong totoo ang iyong sinabi. Hindi na lamang kita kinausap hanggang sa makarating tayo sa aming bahay. Bumaba ako sa kotse mo na wala man lang paalam. Alam kong mali yun. Pasensya na.

Japs, alam mong kagagaling ko lamang sa isang relasyon. Hindi pa naghihilom ang mga sugat ko. Mahal ko pa rin siya at hindi na mawawala yun. Alam kong magiging unfair ako sa sarili ko pero pinili kong wag mawala ang nararamdaman ko para sa kaniya. Ang pag-ibig na 'to ang siyang nagbibigay-buhay sa akin sa araw-araw. Oo, nakapagmove-on na ako. Tanggap ko na hanggang magkaibigan lang talaga kami. Pero kahit kailan, hindi ko isusuko ang nararamdaman ko para sa kaniya. Hindi man siya katangkaran tulad mo, hindi man siya naglalaro ng basketball tulad mo, hindi man siya sikat tulad mo, pero siya ang sigaw ng puso ko. Pasensya kung medyo napaasa kita. Ganito lang talaga ako sa mga kaibigan ko.

Sana maintindihan mo ako.

No comments: