Ako ngayo'y nanunuog ng "Bananas In Pajamas". Ito ay isang programa tungkol sa dalawang saging na nagsasalita at nakasuot ng pajama. Mayroon silang mga kaibigang oso at daga na nagkapagsasalita rin. Matagal ko nang pinapanuod ang programa na ito kahit hindi tulad ng ibang programang pambata, hindi ito nagdudulot ng kahit anong aral na pang-eskwela.
Hindi pangkaraniwan ang programa na ito. Dito lang ako nakakita ng isang daga, tatlong oso at dalawang saging na kasinlaki ng tao at nagsasalita nang hindi gumagalaw ang mga labi. Siguro'y nilagyan nila ng kahihiyan ang mga nilalang na ito at binigyan sila ng damit.
Ang pangalan ng dalawang saging ay B1 [B-one] at B2 [B-two]. Nakasulat ang kanilang pangalan sa pajama nila kaya't hinding-hindi sila maipagpapalit sa isa't isa. Siguro'y naubusan sila ng damit kaya pajama na lang ang nakayanan nilang isuot. Hindi ko alam ang kasarian ng dalawang saging kaya't hanggang ngayo'y pinag-iisipan ko pa rin. Tatlo namang ang mga oso. Isang lalaki at dalawang babae - sina Morgan, Amy at Lulu. Sa iisang bahay lamang sila nakatira na kung saan kusina, hapag-kainan at sala lamang ang mayroon. Ang nag-iisang tindero sa kanilang lugar ay si Rat. Isa siyang daga na mukhang kinapos sa pangalan. Kakaiba rin ang tindero na ito sapagkat hindi siya tumatanggap ng pera sa mga bagay na itinitinda niya. Ang titolo na ibinigay sa kanya ng kanyang mga kasama ay "Rat in the Hat". Saan ko nga ba narinig iyon?
May isa pang kakaiba na ito. Tuwing magkakaroon ng ideya ang dalawang saging, mag-uuntugan sila'y magsasabi ng,
"Are you thinking what I'm thinking?
[Naiisip mo ba ang naiisip ko?]
I think I am, B1/B2!
[Sa tingin ko nga, B1/B2!]
It's (insert idea here) time!
[Oras na para sa (ideya nilalaan dito)!]"
Siguro nga'y nakalilikha ng ideya ang pag-untog ng sarili sa ibang tao. Ngunit, bakit sumasakit lamang ang ulo ko sa tuwing gagawin ko ito? Minsan pa'y napapagalitan ako?
Isa pa sa mga kakaiba sa programang ito ay ang awitin sa simula nito. Ito ang mga katagang kapansin-pansin:
"Bananas in Pajamas are coming down the stairs
[Ang mga saging sa pajama ay bumababa ng hagdan]
Bananas in Pajamas are chasing Teddy Bears
[Ang mga saging sa pajama ay humahabol ng mga oso]"
Ngayon, bakit hinahabol ng mga sagin ang mga oso? Nagpapasalamat na lamang ako at hindi mga tao ang hinahabol ng mga saging na ito. Siguro'y kung ganoon nga ang nangyari, ito na ang sinasabi nilang "Revenge".
Siguro nga'y may mapupulot na aral sa programa na ito. Una, huwag matakot sa mga saging, oso at daga na kasinlaki ng tao, nagsasalita at nakasuot ng pajama at mga damit. Pangalawa, huwag gayahin ang lahat ng nakikita sa telebisyon. Maaari itong magdulot ng sakit sa ulo at sama ng loob para sa mga tao sa paligid. Kung mag-iisip ng ideya, huwag itong isigaw sapagkat magagalit lamang ang mga kapitbahay sa lakas ng boses mong sumigaw. Pangatlo, huwag matakot sa mga saging na humahabol ng oso sapagkat maaaring nais lamang nitong makipag-kaibigan. Magdala rin ng ipoprotekta sa sarili sa mga pagkakataong hindi iyon ang layunin ng mga saging. Higit sa lahat, ang pinakamagandang aral na mapupulot sa programang ito'y manuod na lamang ng Batibot sa halip ng mga programa sa galing sa ibang bansa at maaaring iba ang matutunang leksyon ng mga bata at batang-isip.
*Ayan, tapos na ang programa. Mamaya ko na lamang itutuloy ang pagsusulat. Mag-iisip muna ako ngayon ng ideya para gawing artikulo.*
No comments:
Post a Comment