April 28, 2006

Bananas in Pajamas

*May gumagamit ng kompyuter kaya old school muna ako. Haha. Edit na lang maya-maya o kung kailan man ako makapag-blog.*

Ako ngayo'y nanunuog ng "Bananas In Pajamas". Ito ay isang programa tungkol sa dalawang saging na nagsasalita at nakasuot ng pajama. Mayroon silang mga kaibigang oso at daga na nagkapagsasalita rin. Matagal ko nang pinapanuod ang programa na ito kahit hindi tulad ng ibang programang pambata, hindi ito nagdudulot ng kahit anong aral na pang-eskwela.

Hindi pangkaraniwan ang programa na ito. Dito lang ako nakakita ng isang daga, tatlong oso at dalawang saging na kasinlaki ng tao at nagsasalita nang hindi gumagalaw ang mga labi. Siguro'y nilagyan nila ng kahihiyan ang mga nilalang na ito at binigyan sila ng damit.

Ang pangalan ng dalawang saging ay B1 [B-one] at B2 [B-two]. Nakasulat ang kanilang pangalan sa pajama nila kaya't hinding-hindi sila maipagpapalit sa isa't isa. Siguro'y naubusan sila ng damit kaya pajama na lang ang nakayanan nilang isuot. Hindi ko alam ang kasarian ng dalawang saging kaya't hanggang ngayo'y pinag-iisipan ko pa rin. Tatlo namang ang mga oso. Isang lalaki at dalawang babae - sina Morgan, Amy at Lulu. Sa iisang bahay lamang sila nakatira na kung saan kusina, hapag-kainan at sala lamang ang mayroon. Ang nag-iisang tindero sa kanilang lugar ay si Rat. Isa siyang daga na mukhang kinapos sa pangalan. Kakaiba rin ang tindero na ito sapagkat hindi siya tumatanggap ng pera sa mga bagay na itinitinda niya. Ang titolo na ibinigay sa kanya ng kanyang mga kasama ay "Rat in the Hat". Saan ko nga ba narinig iyon?

May isa pang kakaiba na ito. Tuwing magkakaroon ng ideya ang dalawang saging, mag-uuntugan sila'y magsasabi ng,

"Are you thinking what I'm thinking?
[Naiisip mo ba ang naiisip ko?]
I think I am, B1/B2!
[Sa tingin ko nga, B1/B2!]
It's (insert idea here) time!
[Oras na para sa (ideya nilalaan dito)!]"


Siguro nga'y nakalilikha ng ideya ang pag-untog ng sarili sa ibang tao. Ngunit, bakit sumasakit lamang ang ulo ko sa tuwing gagawin ko ito? Minsan pa'y napapagalitan ako?

Isa pa sa mga kakaiba sa programang ito ay ang awitin sa simula nito. Ito ang mga katagang kapansin-pansin:

"Bananas in Pajamas are coming down the stairs
[Ang mga saging sa pajama ay bumababa ng hagdan]
Bananas in Pajamas are chasing Teddy Bears
[Ang mga saging sa pajama ay humahabol ng mga oso]"


Ngayon, bakit hinahabol ng mga sagin ang mga oso? Nagpapasalamat na lamang ako at hindi mga tao ang hinahabol ng mga saging na ito. Siguro'y kung ganoon nga ang nangyari, ito na ang sinasabi nilang "Revenge".

Siguro nga'y may mapupulot na aral sa programa na ito. Una, huwag matakot sa mga saging, oso at daga na kasinlaki ng tao, nagsasalita at nakasuot ng pajama at mga damit. Pangalawa, huwag gayahin ang lahat ng nakikita sa telebisyon. Maaari itong magdulot ng sakit sa ulo at sama ng loob para sa mga tao sa paligid. Kung mag-iisip ng ideya, huwag itong isigaw sapagkat magagalit lamang ang mga kapitbahay sa lakas ng boses mong sumigaw. Pangatlo, huwag matakot sa mga saging na humahabol ng oso sapagkat maaaring nais lamang nitong makipag-kaibigan. Magdala rin ng ipoprotekta sa sarili sa mga pagkakataong hindi iyon ang layunin ng mga saging. Higit sa lahat, ang pinakamagandang aral na mapupulot sa programang ito'y manuod na lamang ng Batibot sa halip ng mga programa sa galing sa ibang bansa at maaaring iba ang matutunang leksyon ng mga bata at batang-isip.

*Ayan, tapos na ang programa. Mamaya ko na lamang itutuloy ang pagsusulat. Mag-iisip muna ako ngayon ng ideya para gawing artikulo.*

April 03, 2006

Mga Kuwentong Pag-ibig [Unang Yugto]

Eto na naman ako. Nagbabalik para sa aking mga kuwento tungkol sa pag-ibig.
*Upo. Labas ng yosi. Sindi. Hithit.*

Haha! Heto na naman ako sa mga kabaliwan ko. Ni ako nga mismo, hindi ko puwedeng sabihin na suwerte ako sa pagkakaroon ng relasyon. Parang lagi na lang ako ginagago ng mga pesteng lalakeng yan.
[Tsk tsk. Fuck]

Yung una kong boyfriend? Haha! Walang kuwenta! Totoo! Kumbaga naging boyfriend ko lang siya sa text, sa cellphone. Para akong nagsubscribe sa mga virtual boyfriends na inaadvertise sa mga teen magazines. Napaka-sweet sa pagsesend ng mga messages pero kapag personalan na, hindi ka niya lalapitan, hindi ka niya babatiin, hindi ka niya kakausapin. Ni hindi ka nga niya titignan eh! Bakasyon noon nung naging kami. Naging busy siya sa paglalaro niya ng basketball. Kasali kasi siya sa liga. Kaya ayun. Nawalan siya ng panahon sa "pagtetext" sa akin. Haha! Ayan na naman ang pagtetext na yan. At kung sa text ko siya sinagot, siyempre sa text din ako makikipagbreak sa kaniya! Di ko na natiis ang pagiging sobrang torpe niya kaya nakipagbreak na ako.
[Eh sira ka pala eh! Alam mo naman pala na ganun ang ugali niya, bakit mo pa sinagot?]

In fairness dun sa una kong boyfriend, naging mabait siya saken kahit nasaktan siya sa pakikipagbreak ko sa kaniya. Magkatropa kasi kami kaya wala siyang magawa kundi patawarin ako. Naging magkaibigan pa rin kami at nagkakaasaran pa nga paminsan-minsan. At dahil sa kaniya, napalapit ako sa isang pang katropa namin. (...na naging pangalawa kong boyfriend.)

Haha! Itong kasunod? Naku! Siya ang pinakamatagal kong naging boyfriend. Marami kaming pinagdaanan nito. Hindi matatapos ang isang araw na hindi kami nagaaway o nagkakatampuhan. Ilang beses rin kaming nagbreak. Siguro mga bente. Oo. Ganun kami ka-incompatible. Ewan ko ba kung bakit ko naging boyfriend yun. Pero sa totoo lang, minahal ko siya. Oo. Kahit niloko niya ako. Nagkaroon siya ng "bestfriend" na babae. Nasa Maynila ako nung mga panahong yun kaya hindi ko alam kung ano ang nangyayari. Ilang beses siyang nagsinungaling sa akin. Buti na lang at meron akong kaibigan na nagsabi saken na lagi silang magkasama at sobrang sweet pa! Mga unang linggo yata nung 4th year ko sa hayskul nung nakipagbreak ako sa kaniya. Hindi ko na kasi matiis. Harap-harapan na niya akong niloloko. Sabi niya nagbago na daw ako. Hindi na daw niya ako maabot. Sus. Unang linggo pa lang yun at wala pa akong trabaho sa council! Gago! In short, nakipagbreak ako sa kaniya, tangay-tangay ang isang bagay na pinakaiingat-ingatan ko.
[O diba? Nauuso na ang mga salitang paulit-ulit. <--Tulad nito]
[Simula noong nangyari ito, hindi na ako masyadong naniniwala na puwedeng maging magbestfriend ang isang lalake at babae. Nauuwi lang kasi ito sa isang masaklap na trahedya.] *Kuha pa ng isang yosi. Sindi. Hithit.*

Tsk tsk. Ilang linggo lang ang nakalipas simula nung nakipagbreak ako sa pangalawa kong boyfriend, may nakilala na naman akong bago. Kabaligtaran siya ng 2nd boyfriend ko. Mabait siya. Hindi yung bait-baitan lang tulad nung pangalawa. Hindi ko alam kung paano niya nagawa yun pero mabilis niyang nahilom ang sugat mula sa previous relationship ko. Yun ay dahil na rin siguro sa mga dasal niya. Oo. Isa siyang spiritual na tao. Matangkad, maganda ang boses, kalbo. Aba! Nasa kaniya ang mga gusto ko sa isang lalake! Kasama siya sa choir sa parokya nila. Isang officer ng Student Council ng kanilang paaralan. Matalino, masipag at mapagmahal na anak. Ngunit ngayon, binabawi ko na ang 3rd sentence sa paragraph na ito. Katulad rin pala siya ni 2nd bf. Manloloko! September 11, 2004. Nasa school niya ako noon dahil naging emcee ako sa isang youth gathering. Pinuntahan niya ako doon at kinausap. Dinala niya ako sa canteen nila at dun siya nakipagbreak. Oo! Siya ang nakipagbreak! Hindi pa nakuntento ang loko, sinundan pa ako hanggang sa Megamall! Gusto niya akong kausapin pero hindi na ako pumayag dahil masyadong masakit ang mga pangyayari. [Yuck!] Ewan ko ba sa kaniya pero sinundan pa rin niya ako hanggang makarating ako sa bahay namin. At hanggang sa YM, hindi pa rin ako tinigilan! At ang dahilan niya sa pakikipagbreak? Akala niya mahal niya ako. Ginamit lang niya ako para makalimot siya sa isang babaeng minahal niya simula noong 15 years old pa lang siya. Take note: 19 years old na siya nung naging boyfriend ko siya. Ibig sabihin nun, 4 na taon na siyang nanloloko ng mga babae. At isa ako sa mga tatanga-tangang biktima niya.
[Bakit ba hindi niya ako tinigilan noong mga panahong yun? Nakikipagbreak ba talaga siya o nakikipag-ayos? Ewan.]
[Sa lahat ng mga naging relasyon ko, ito ang pinakamaikli. Pero ito ang pinakamatagal kong nakalimutan.]

Dito na nagtatapos ang aking mga kuwento tungkol sa mga naging relasyon ko. Pero hindi dito nagtatapos ang aking mga kuwentong pag-ibig.
*Ubo ubo. Kuha pa ng isang yosi. Sindi. Hithit.*

Ewan ko ba kung bakit kailangan ko pang ikuwento ang nangyari sa 3 ex-boyfriends ko. Eh hindi naman talaga sila dapat kasali dito. Hindi sila ang bida dito. Kundi ang susunod...

Abangan ang susunod na kabanata...